Ika-tatlumpong Linggo ng Karaniwang Panahon (30th Sunday in OT, Year B, 2009)
1. Dumating si Jesus kasama ang kanyang mga alagad sa Jericho – pero hindi sila nanatili sa Jericho – gumayak sila at paalis na sila ng Jericho, patungo sila ng Jerusalem, patungo sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Kristo
2. Mayroong isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos – si Bartimeo (Anak ni Timeo). Narinig niyang naroon si Hesus na taga-Nazareth kaya sumigaw siya – “Hesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin.”
a. Tumawag siya kay Hesus dahil siya ay may kailangan. At kailangang-kailangan niya ito. Kaya nga siya nagsusumigaw at ang kanyang pagsigaw ay may sinasabi – “mahabag po kayo sa akin” – “have PITY on me” (hindi lang awa, kundi habag)
b. Ganito rin po ba tayo? Kapag may kailangan tayo, talagang nagsusigaw tayo sa padarasal. Kapag may gusto tayong makamit, sunog kilay, banat buto talaga para makamit yung minimithi natin.
3. Pinagsabihan siya ng mga tao at pinatahimik
a. Yaong mga taong naroroon, sinusubukan nilang pakinggan ang mga sinasabi at itinuturo ni Hesus. Maraming tao kaya mahirap marinig, at sumabay pa itong bulag na ito na nagsusumigaw.
b. Pinatahimik ngayon nila si Bartimeo. Total, isa lang naman siyang bulag at namamalimos, akala nila hindi naman siya papansinin ni Hesus. Ang mas masaklap, ang pagpapapatahimik nila kay Bartimeo, ay para na ring pagpigil sa kanya upang makatagpo niya si Hesus.
c. Ganito rin po ba tayo? Sa ating buhay, mayroon po tayong mga taong isinasantabi? Hindi pinahahalagahan? Marahil dahil sa kanilang katayuan sa buhay, katandaan o kabataan, pinag-aralan, nakaraan o ano pa man. (People we take for granted – maybe because of their condition in life, status, past, age)
d. O ang mas masaklap, mayroon po ba tayong mga taong pinipigilang lumapit o mapalapit kay Hesus? Marahil dahil sa ating salita, o gawa? O dahil sa ating hindi sinasabi o ginagawa?
4. Kung gaano katindi ng pagpigil ng mga tao kay Bartimeo, lalo pa siyang nagsisisigaw
a. Hindi siya patatalo ng ganun ganun na lang. Gusto niya talagang mapansin ni Hesus.
b. Ganito rin po ba tayo? Itinutuloy pa rin ba nating maging mabuti at mabait kahit mahirap? Itinutuloy pa rin ba nating mapalapit kay Kristo kahit parang napakalayo niya? Itinutuloy pa rin ba nating magpakaKristiyano sa isip, sa salita at sa gawa kahit na maraming tumututol, pumipigil at nagpapahirap sa atin? Umaasa pa rin ba tayo sa pagkalinga nang Diyos kahit pakiramdam natin ay pinabayaan at kinalimutan na tayo? (Do we easily give up and quit? Do we keep on asking, hoping, trusting, loving?)
5. Narinig sya ni Hesus
a. Narinig siya ni Hesus. Tumigil siya sa paglalakad. Kung tumigil pala si Bartimeo sa pagtawag, maaring hindi siya narinig at nadaanan lang siya. Hindi pa niya nakakatagpo si Hesus. Hindi pa narinig, at mas lalong, hindi pa nakita. Pero ramdam ni Bartimeo na nariyan na si Hesus.
b. Ganito rin po ba tayo? Nakikilala po ba natin si Hesus kapag dumaraan siya sa ating buhay? Hinahayaan lang ba natin siyang dumaan? Madali lang hanapin si Hesus sa simbahan kung saan naroon ang Santisimo Sakramento. Pero naroon din si Hesus sa iba’t iba pang tao, bagay at pangyayari. Maari ngang iyong nagpapahirap sa iyo ay nagpaparating din ng mensahe ni Kristo – sumasamo na kaharapin mo siya bilang isang Kristiyano.
6. Pinatawag ni Hesus si Bartimeo. Ang mga taong kanina lang ay pumipigil sa kanya ay umaalalay na sa kanya at nagsasabing, “Lakasan mo ang iyong loob. Tumindig ka. Ipinapatawagka niya.”
a. Ganito rin ang ating pagkakakilala kay Hesus – ipinakilala siya sa atin ng ibang tao – magulang, pamilya, kamag-anak, kaibigan, guro, and simbahan, mga seminars, libro, palabas at marami pang ibang paraan. Marapat lang tayong magpasalamat sa mga taong nagpakilala sa atin sa Diyos, mga taong naglapit at naglalapit sa atin sa Diyos.
b. Tulad nila, ganon din po tayo? Marami ring nangangailangang marinig at makilala si Kristo. Tayong nakarinig at nakakilala kay Kristo ay tinatawag ding maging tagapagpakilala sa kanya. Mayroon bang hindi pa nalalapit kay Kristo sa ating pamilya? Mayroon bang hindi pa nakakarinig at nakakakilala kay Kristo sa ating pinagtatrabahuan? Ibinabahagi ba natin ang ating pagiging Kristyano? O mga tsismis lang tungkol sa ibang tao ang ibinabahagi natin?
7. Iwinaksi niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Hesus.
May naaalala ba kayong nagmamadali ring lumapit din kay Hesus? Narinig natin sa Ebanghelio ng isang nakaraang lingo yaong mayamang lalaki na marahil ay nakadamit ng mamahalin at lumapit kay Hesus at nagtanong, “Ano ang maari kong gawin upang mapalapit ako sa Diyos?” Ngunit itong mayamang ito, umalis ng malungkot. Iba ang “ending” ng kwento natin ngayong araw na ito.
8. Tinanong siya ni Hesus, “Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo?”
May naaalala ba kayong tinanong din ni Hesus ng ganito? Nuong nakaraang lingo, tinanong ito ni Hesus kay Santiago at Juan na humiling na sila ay gawin pangunahing ministro ni Hesus sa kanyang kaharian.
9. Ang sagot ni Bartimeo: “Guro, ibig ko po sanang makakita.” “Humayo ka; magaling ka na dahil sa iyong pananalig.”
a. Hiniling ni Bartimeo na siya ay makakita. At ang hinihingi niyang paningin ay hindi lamang pisikal na paningin, kundi ang pananaw ng pananampalataya – “not only physical sight, but the sight of faith”
b. Ganito rin po ba tayo? Hindi po tayo tulad ni Bartimeo na bulag sa pisikal na pagkabulay, ngunit maaring mayroon din tayong pagkabulag - maaring espitwal na pagkabulag. Bulag sa ating pagkakasala. Bulag sa pangangailangan ng ibang tao. Bulag sa pagsasamo ng ating kapwa. Bulag sa mga nangyayari sa kapaligiran. Bulag sa nararapat na patutunguhan ng ating buhay.
c. Ang sikreto daw po ng pagkakaroon ng katahimikan sa buhay ay yaong makita ang tunay na katuturan ng buhay. Kung hindi raw po nating iminumulat ang ating mga mata sa tunay na katuturan ng buhay, para tayong mga manok na naputulan ng ulo, patakbo-takbo, hindi alam kung saan patungo, hindi namamalayang paubos na pala ang kanyang dugo, hanggang bumagsak na lang itong wala nang buhay.
10. Nakakakita na si Bartimeo.
a. Ngayong nakakakita na si Bartimeo, nagkaaroon na hindi lang ng liwanag ang kanyang buhay, kundi nagkaaroon na rin ito ng direksiyon – ng patutunguhan. Ang sabi nila, ang hindi raw marunong lumingon sa pinanggalingan, hindi makararating sa paroroonan. Ang maari naman nating idagdag, ang hindi mulat sa kanyang paroroonan ay walang kahihinatnan. “If we do not know our goal, we are going nowhere.”
b. Pagkatapos natanggap ni Bartimeo ang biyayang kanyang inaasam-asam, sumunod siya kay Hesus
Idulog natin sa Diyos ang ating mga pangangailan. Idulog din natin sa kanya ang ating mga pagkabulag. Hilingin nating pagtibayin niya tayo upang mamulat tayo, sa ating kapwa, sa ating sarili, sa ating patutunguhan, sa kanya na ating Diyos. At sa pagkamulat, sumunod kay Hesus – sa Jerusalem ng ating buhay kung saan mayroong araw-araw ng pagpapakasakit, pagkamatay, ngunit may inaasahang muling pagkabuhay. Amen.
No comments:
Post a Comment